Monday, December 26, 2011

MMK "Regalo"

Dear Ate Charo,

Itago nyo na lamang po ako sa pangalang, Miss Water 2011. Isa pong karangalan para sa akin na mailathala sa inyong programa ang aking liham-kasaysayan.

Nagsimula po ang lahat noong ika-labing walo ng Disyembre taong 2011.

Nalalapit na noon ang aming naitalagang pagtitipon sa opisina para sa isang maliit na piging bilang pagdiriwang sa nalalapit na kapaskuhan. Noong araw po na iyon ay bumili ako ng regalong aking ihahandog sa kung sino mang makakapili nito.

Isang marikit, malambot at kulay berdeng unan at me kasama pang "branded" na Esprit na maliit na tuwalya na may kaparehong kulay ang aking napiling ibigay.



Napakasaya ko noon Ate Charo. Alam ko na sa loob ng aking puso ay matutuwa ang makakakuha nito sapagkat maganda ang aking napiling disenyo.

Buong puso ko po itong binalot sa isang ginintuang papel upang lalong maging kaaya-aya ang aking handog na regalo.

Makalipas pa ang ilang araw ay dumating na ang oras na aming pinakahihintay Ate Charo. Masaya ang lahat ng aking mga kasama nang magsimula na ang aming piging. Punong puno ng iba't ibang uri at espesyal na pagkain ang aming hapag.  


























Lahat ay puno ng kasiyahan na makita ang tumpok na regalo na tila naghihintay sa mapalad na makakakuha nito.


Hindi rin po lingid sa aking mga mata ang hangaring makakuha ng isang magandang regalo bilang kapalit ng aking piniling handog.

Masarap ang pagkain na nakahanda Ate Charo. Masaya ang lahat na pinagsaluhan ang kaunting pagkain hanggang sa aming kabusugan. At matapos nga ang kaunting salu-salo ay nagsimula nang magbunutan ng numero upang aming malaman ang aming maiuuwing regalo.

Bilang panimula ay naatasan akong unang bumunot. Puno ng kaba ang aking dibdib na kumuha ng naka-rolyong papel.

"Number 5" ang aking nabunot.

At aking ngang nakuha ang isang kuwadradong kahon na nakabalot sa isang puting papel na pang pasko. Natuwa naman ako sapagkat malaki ito ay may kabigatan. Sabik ko nang malaman kung ano ang laman nito, ngunit aming napagkasunduan na sabay sabay namin itong bubuksan kapag natapos nang makakuha ng regalo ang bawa isa.

Noong sandali pong iyon ay malalaman din namin kung kanino at sino ang nagbigay ng regalong aming nakuha. Si Kim pala ang nagbigay ng aking nakuha. Siya ay isang Intsik, maputi, may kahabaan ang buhok at may matinis na boses. 

Nagpatuloy pa ang pagpalitan ng regalo. Kung ako ang unang bumunot, ang aking regalo naman ay ang huling nakuha. Tila isang "Grand Prize" daw ito lalo pa't ito ay pinalamutian ng ginintuang pambalot.

Tulad ng napagkasunduan, sabay sabay naming binuksan ang aming nakuha.

Dagli kong pinunit ang papel na pinambalot, at aking nakita ang bulaklak na disenyo na kulay lila. Mayroon akong kaunting lungkot na nadama Ate Charo, ngunit akin na lamang nasambit sa aking sarili na "okay lang yan, at least hindi ka na bibili ng bagong bedsheet.."



Ang iba sa amin ay nakakuha ng "bath towels", malambot na tsinelas, "Starbuck Tumbler", "Body Shop Items", at kung anu ano pang magagandang gamit. Samantalang ako, BEDSHEET ang nakuha. Hindi ako bitter Ate Charo ngunit, bayolet kasi siya at me flowers eh..huhu


Tila napansin ata ng aking kasama ang aking reaksiyon at nagtanong siya sa akin,


"Athena, ano ang nakuha mo?" sambit sa aking ng Pilipinang ka-opisina.


"Ha?Yung nakuha ko?uhmmm eto oh..Bedsheet.." tahimik kong sinabi sa kanya sabay abot ng aking nakuha.


"Aaahhh..teka Bedsheet ba to..?" tanong naman niya sa akin.


"Oo..bakit hindi ba?" sagot ko naman.


"Parang hindi eh..pero Bedsheet nga ata.." sabi naman niya.


Tila napaisip nga ako at muli kong tiningnan ito. Mukhang hindi nga siya bedsheet Ate Charo. Muli akong kinabahan dahil tila iba nga ito sa aking unang inakala. Mayroong namuong pag-asa sa aking puso. Tinanggal kong muli ang plastik na nakabalot, at aking ngang napatunayan, hindi nga ito Bedsheet.



Opo Ate Charo, tama po ang inyong nakita.


"Ay hindi pala siya Bedsheet..PHOTO ALBUM pala.."


Mas masakit po pa lang malaman na isa itong PHOTO ALBUM. Hindi ko po lubos na matanggap na mayroon pa palang ganitong nakakaisip na iregalo. Maluha-luha kong na lamang niyakap ito habang dahang dahang umupo.

Sa aking pagkakatanda, ang Photo Album at Picture Frame ay matagal na pong na i-ban sa lahat ng aming Christmas Parties simula pa nung ako ay nasa elementarya.

Sadya po akong nalungkot sa mga nangyaring iyon. Nagsisisi po ako Ate Charo. Muli kong naisip na sana Bedsheet na lamang iyon at hindi Photo Album. Ngunit mapaglaro po talaga ang tadhana at mabilis nitong tinugunan ang aking kalungkutan noong inakala kong Bedsheet ito.

Wala na po akong nagawa. Pinilit kong ikubli sa aking sarili ang kalungkutang aking nadama. Sa kabila ng bawat ngiting aking binibitawan sa aking mga ka-opisina ay ang patuloy na pagnaig ng kurot sa aking puso.

Ngayon po ay patuloy pa din ako sa pagtanggap sa aking sarili sa aking kapalaran, ngunit nananatili po akong matibay sa kabila nito.

Kasalukuyan po akong naghahanap ng films ng Kodak at FujiFilm upang magamit sa lumang camera na aking naitabi noon. Naniniwala po kasi ako na sa kabila ng iPhones, iPads, DSLR Cameras, 3G at 4G na mga gadgets ngayon ay kaya kong makipagsabayan sa kanila.

Nawa'y mayroon pong natutunang isang mabuting aral ang inyong manunood sa aking payak na liham.

Lubos na gumagalang,

Athena



P.S.
Ate Charo, meron pa po bang nagpprint ng mga 3R, 4R at mga 5R na size na litrato?Refer nyo na lang po sa aking if may alam po kayo. Thanks girl!Nga pala, namiss ko yung lampara sa side table mo. hihi Ciao!


7 comments:

  1. Wahahaha!!! Bwahahaha!! Ang dami kong tawa dito!! laughtrip ung photo album!! ;p

    ReplyDelete
  2. hehehe gusto mo ibigay ko na lang sa'yo?promise no shipping cost..ako na mismo magpapadala..sasamahan ko ng film teh..hihi

    ReplyDelete
  3. natawa ako sa p.s. mo... hahah kng ako rin ay mssktan teh.. nwei, iprint mo na lang ang mga piling pili mong pics from ur digicam at iphone at ilagay jan s bayolet album.. :)

    ReplyDelete
  4. naman!plano ko din yan, iprint ko then dadalhin ko para in case me gusto magscan ng iPhone ko eh un na lang ibibigay ko..very dramatic!very convenient diba??hehehe #bittermuch thanks devs!

    ReplyDelete
  5. Ahahaha!

    ...aha...ahahahaha!

    Lubos kong nadama ang iyong hinagpis at gayun nalang din ang aking paghalakhak habang jumejebs..and to tell u frankly, ur a part of this 'success' indeed! Happy new year and wish u all the best in filling the spaces of ur amazing violet photo album! Ahihihi!

    P.S.: how much ba ang budget niyo?

    ReplyDelete
  6. hahaha salamat sa pagbasa..=)

    20 dollars ang budget namin..feeling ko gna lugi ako eh..hihi

    gusto mo sayo na lang?bigay ko sayo promise..babalutin ko pa hehe

    ReplyDelete
  7. Pwede mo ipang-regalo ulit yan.

    ReplyDelete